04/11/2025
News Release
Department of Migrant Workers
November 3, 2025
𝗣𝘂𝗯𝗹𝗶𝗸𝗼 𝗽𝗶𝗻𝗮𝗮𝗹𝗮𝗹𝗮𝗵𝗮𝗻𝗮𝗻: 𝘃𝗶𝘀𝗮-𝗳𝗿𝗲𝗲 𝗮𝘆 𝗽𝗮𝗿𝗮 𝘀𝗮 𝘁𝘂𝗿𝗶𝘀𝘁𝗮 𝗹𝗮𝗻𝗴
Muling nagpaalala ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga Pilipino na huwag basta magpapadala sa mga alok ng trabaho sa mga visa-free na bansa gaya ng Thailand at Malaysia — dahil hindi awtomatikong puwedeng magtrabaho doon.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac, ginagamit ng mga sindikato ang “visa-free entry” para malinlang ang mga kababayan na nauuwi sa iligal na trabaho sa Myanmar, Cambodia, at iba pang bansa.
“Ito ang napakahalagang mensahe: ang pagka visa-free ng ASEAN countries ay para sa turista lang po ‘yon. Hindi ibig sabihin na visa-free, puwede ka nang magtrabaho,” ani Cacdac sa panayam sa radyo.
Mahigit 20 katao na ang naaresto sa mga operasyon ng DMW kasama ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), Philippine National Police (PNP), at iba pang ahensya. Kasama rito ang apat na illegal recruiter at isang Taiwanese national na nahuli sa Palawan at NAIA.
Halos 800 Pilipino na rin ang na-repatriate mula Myanmar, Cambodia, at Laos, habang higit 200 pa ang tinutulungang makauwi. “Hindi tayo puwedeng magpakampante. Kailangan ng international cooperation para mapigil ang mga sindikato,” dagdag ni Cacdac.
Pinaalalahanan ng DMW ang publiko na ang visa-free entry ay para lang sa turismo o short visits. Ang paggamit nito para magtrabaho ay ilegal at maaaring magdulot ng pagkaka-aresto, deportasyon, o habambuhay na ban.
Ang mga nais mag-report ng illegal recruitment ay maaaring tumawag sa DMW-OWWA Hotline 1348 o mag-email sa [email protected].
Katuwang ng DMW sa kampanya ang PAOCC, PNP, National Bureau of Investigation (NBI), at Department of Foreign Affairs (DFA), sa ilalim ng gabay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
# # #